Sa Gabi ng Iyong ﷺ Kapanganakan

AI

Aian Jaafar Naqshbandi

Author at MusliminPH

Published on 30 Oct, 2025

Para sa Propetaﷺ, sumakanya nawa ang papuri at kapayapaan. Isinulat sa wikang Tagalog.

Sa gabi ng iyongﷺ kapanganakan, ang langit ay nanibugho,

Nanibugho sa lupa sa biyayang natamo;

Ang Sugoﷺ ay nandito na, sa lupang dati'y aba,

Ang Propetaﷺ ay pinanganak, at ang liwanag ay suminag na.

Ang lipon ng mga Khawarij ay nananangis,

Katulad ng kanilang ama, ang sinungaling na si Iblis.

Sa buwan na biniyayaan ng liwanag at pagpapala

Ng pagdating ni Muhammadﷺ, ang Sugong pinakadakila.

Ang unang tao, ang Propetang si Adan,

Dugo't laman, ama ng mga katawan.

Datapuwa't si Ahmadﷺ, Sugo ng Allah,

Ay liwanag at ama ng mga kaluluwa.

O Mahal na Sugoﷺ, inyo po sanang patawarin

Ang aking bibig na pangahas at walang pangilin

na binanggit ang inyongﷺ kapuri-puring pangalan

na ako'y nagkulang sa karampatang paggalang.

Ikawﷺ ay tao, ngunit ang papuri'y marapat sa iyoﷺ,

Sapagka't ika'yﷺ perlas, at kami'y magaspang na mga bato.

Ikawﷺ ay araw, ikawﷺ ay buwan.

Ikawﷺ ang liwanag na pumawi sa karimlan.

Nanaog mula paraiso, sa gitna ng sangkatauhan,

Mula sa mga dalisay na balakang, patungo sa mga dalisay na mga sinapupunan.

Wala nang nilalang ang higit na marangal,

Higit sa iyoﷺ, o Sugoﷺ, o Pang-ulo ng mga Banalﷺ!

Nang dahil sa matamis na tubig mula sa 'yongﷺ bibig

Ang mga salot at sakit ay lumisan sa Yathrib

Nabura ang ngalang ito sa liwanag na gumuhit

At aming bibigkasin ang "Tayba" ng makasampung paulit-ulit*!

Ang pagyukod ng noo'y sa Ka'abang bato,

Ang pagsunod ng puso'y sa iyoﷺ, ang pinakadalisay na tao

Ang Hajj ng tungkulin ay tungo sa Bahay ng Allahﷻ,

Ang Hajj ng pag-ibig ay sa iyongﷺ mahalimuyak na Rawdah.

Ikawﷺ ang gabay, ikawﷺ ang tagapamagitan

Sa Huling Araw ng mga gantimpala't kapahamakan

Sa Araw na ikawﷺ ay itaas sa Kapuri-puring Himpilan,

Sa Harap ng iyong Panginoonﷻ, ang Kabanal-banalanﷻ.

Ikawﷺ ang unang nilikha, at ang huling isinugo

sa mga Apostol at mga Propeta, mga banal na tagapagturo

Ikawﷺ ang nagpaging-ganap, ikawﷺ ang huling laryo

Ng ginintuang tahanan ng mga banal na Emisaryo.

O Sugoﷺ, huwag po ninyo sanang ipagkait,

Ang inyong pamamagitan sa aking kaluluwang may sakit.

Ang inyong panalangin para sa tulad kong makasalanan,

Ay tiyak na tutuparin at kagya't pakikinggan.

Ng iyongﷺ Panginoonﷻ, Ang Mahabagin, Ang Maawainﷻ,

Na Nagsugo sa iyoﷺ sa lupa, at maging sa himpapawirin

Habag sa lahat ng kinapalﷺ, Tagapagtanggol ng mga maralitaﷺ

Propeta sa sansinukobﷺ, Pinakakatangi-tanging Nilikhaﷺ.

Nawa'y pagpalain kaﷺ at ang iyong masakdal na Angkan,

At ang iyong sanlaksang tapat at magiting na mga Kasamahan!

Ikawﷺ ang iniibig, ang Pinuno ng mga Sugoﷺ,

Ang ginhawa ng mga mata, ang hangad ng bawat puso.

O Propeta ng Diosﷺ, kami po'y inyongﷺ tignan,

Inyoﷺ pong ipagkaloob ang inyongﷺ kaluguran!"

--------------------------------

*pinapayuhan ang mga Muslim na banggitin ang salitang "Tayba" ng sampung ulit, kung sakali mang mabanggit ang salitang "Yathrib", na matandang pangalan ng Lungsod ng Banal na Propetaﷺ, salla Allahu alayhi wa sallam.

2 people 

love this post
Log in to comment

❤️ اللهم صل على سيدنا محمد